Nagpulong sa kauna-unahang pagkakataon ang Minority Bloc ng Senado sa ikalawang araw ng 20th Congress, sa pangunguna ni Senate Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III.
Kasama ni Senador Sotto sa caucus sina Senador Panfilo Lacson, Loren Legarda, Risa Hontiveros, at Juan Miguel Zubiri.
Tinalakay ng grupo ang kanilang mga paunang plano at mga prayoridad na panukalang batas para sa nalalapit na sesyon.
Sinabi ni Sotto, bilang Minority Bloc, regular silang magpupulong upang tiyaking malinaw ang kanilang paninindigan, matatag ang prinsipyo, at nakatuon ang kanilang trabaho sa pagtatanggol sa interes ng publiko.
Samantala, kasama ng minority bloc na naghain ng joint resolution si Senador Kiko Pangilinan at Bam Aquino para sa ganap na bukas na proseso ng bicameral meeting, bilang tugon sa umano’y mga iregularidad sa pambansang budget para sa 2025.
Sa ilalim ng isang joint resolution, isinusulong ng mga senador na ang lahat ng bicameral conference committee meetings para sa panukalang national budget ay dapat gawing bukas sa publiko o i-livestream.
Giit nila, kinakailangan ding magkaroon ng isang matrix na magpapakita ng pagkakaiba sa pagitan ng bersyon ng Senado at ng Kamara ng budget bill, pati na rin kung paano naresolba ang mga pagkakaibang ito.
Dagdag pa nila, kailangang isapubliko ang matrix na ito, pati na rin ang minutes ng mga pulong.