KORONADAL CITY – Nakitaan ng mga bitak ang ilang mga paaralan sa Tampakan, South Cotabato, kasunod pa rin ng naitalang magnitude 6.3 na lindol sa malaking bahagi ng Mindanao.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Tampakan, South Cotabato Mayor Leonard Escobillo, isa ang Tampakan National High School na may apat na palapag sa mga paaralang nakitaan ng mga bitak sa flooring, poste at pader.
Dahil dito, nagpasya si Mayor Escobillo na isuspendi pa rin ang klase ngayong araw upang isailalim sa inspeksyon ng mga structural engineers ng Department of Public Works and Highways ang mga paaralan pati na ang iba pang gusali sa nasabing bayan.
Samantala, pahirapan ang pag-abot sa mga paaralang nasa bulubunduking bahagi ng bayan na nakapagtala rin umano ng mga bitak na kanilang nakatakdang inspeksyunin.
Sa kabila nito, halos lahat ng klase sa Rehiyon 12 ay balik na sa normal na maliban na lamang sa mga pinakaapektadong lugar.
Pasado alas-11:00 kagabi ay niyanig ng magnitude 4.6 na na lindol ang ilang bahagi ng Mindanao na posibleng bahagi ng mahigit 300 aftershocks na naitala sa rehiyon.