Sisimulan ng ipamigay ang mid-year bonus ng mga empleyado ng gobyerno na katumbas ng kanilang isang buwang basic pay ngayong Huwebes, Mayo 15.
Sa isang statement, sinabi ng Department of Budget and Management (DBM) na kwalipikadong makatanggap ng bonus ang mga silbilyan at military personnel basta’t ang mga ito ay nagtrabaho sa kabuuang apat na buwan mula Hulyo 1, 2024 hanggang Mayo 15 ng kasalukuyang taon.
Dapat din na nakatanggap ang mga ito ng satisfactory performance rating at dapat na nasa serbisyo sa gobyerno as of May 15.
Umaabot naman ang nakalaang pondo para sa midyear bonus ng mga empleyado ng gobyerno sa P63.695 billion kung saan P47.587 billion dito ay para sa civilian personnel habang ang nalalabing P16.108 billion ay para sa military at uniformed personnel.
Kaugnay nito, hinikayat ni Budget Secretary Amenah Pangandaman ang mga head ng mga ahensiya ng gobyerno na agad ipamahagi ang midyear bonus ng kanilang mga empleyado.
Una rito, sinabi ni Sec. Pangandaman na nailabas na ng DBM ang mid-year bonus sa mga implementing agencies noong Enero ng kasalukuyang taon.