Sinibak sa pwesto ni PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar si PNPA Director MGen Rhoderick Armamento matapos ang insidente ng hazing kung saan nasawi si 3CL George Carl Magsayo matapos suntukin sa sikmura ng limang beses ng kaniyang upperclassman na si 2CL Steve Maingat na kinasuhan ng kasong criminal.
Itinalaga ni Eleazar si Police Major General Alexander Sampaga director ng DICTM bilang incoming PNPA Director kapalit ni MGen. Armamento.
Sa darating na September 29 nakatakda ang Turn-over ceremony.
Si MGen. Sampaga ay produkto din ng PNPA Class 1989.
Kaya tiwala si Eleazar na magampanan ni Sampaga ang kaniyang mandato gayong produkto ito sa nasabing institusyon.
Ang pagsibak sa pwesto kay Armamento ay bahagi ng command responsibility.
Habang Armamento ang papalit sa pwesto ni Sampaga bilang Director ng DICTM.
Aminado si PNP Chief na siya ay pinanghinaan ng loob matapos mabatid ang insidente na dapat ang akademya ay pangawalang tahanan ng mga kadete kung saan nasisiguro ang kanilang proteksiyon, sapat na pag-aaral at kaalaman para mahubog ang mga ito bilang mga susunod na opisyal ng pambansang pulisya.
Sinabi ni Eleazar, nakausap nito ang nanay ng namatay na kadete na ang pangarap ng kaniyang anak ay maging isang police officer kaya pumasok ito sa Philippine National Police Academy (PNPA).
Sinabi ni PNP Chief na hindi niya lubos maiisip kung bakit may mga insidente pang ganito sa kabila ng mga pagbabago na ipinatupad sa akademya.
Giit ni PNP Chief, hindi ang ganitong mga insidente ang nais nila sa PNP lalo na at apat na taon nilang ipinaglaban na mapasailalim sa supervision ng PNP ang PNPA at ang ipinapatupad na pisikal na pananakit para i-disiplina ang isang kadete ay dapat matigil na.
Bukod sa kasong kriminal na kahaharapin ng suspek na si Cadet 2nd Class Steven Ceasar Maingat, mahaharap din ito sa kasong administratibo at tiyak na matatanggal ito sa Academy.
Binigyang-diin ni PNP Chief na ang nasabing insidente ay magsisilbing babala sa lahat ng PNP cadets at PNP leadership na kailanman hindi nila ito-tolerate ang anumang misbehavior.