Iginiit ni Vice President Sara Duterte na hindi tatakas ang kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte kung papayagan ang kaniyang interim release o pansamantalang paglaya.
Sa kanyang panayam mula sa Kuwait, sinabi ni VP Sara na nais ng kanyang ama na manatili na lamang sa Davao City sakaling mapayagan ito ng korte.
Ito aniya ang paulit-ulit na sinasabi sa kaniya ng dating Pangulo, batay sa kanyang kamakailang pagbisita sa ICC detention center sa The Hague, Netherlands.
Giit pa niya, napatunayan na ni dating Pangulong Duterte na hindi siya nananakot ng mga kritiko.
Aniya, matagal ng binabatikos ni dating Senador Antonio Trillanes si dating Pang. Duterte at nabanggit umano ang pangalan ng mga testigo subalit wala aniyang nangyari sa kanila.
Sa ilalim kasi ng Rome Statute, maaaring humiling ng interim release ang mga nakakulong sa ICC kung matutugunan nila ang mga itinakdang kondisyon. Isa na rito ang katiyakang hindi nila hahadlangan o tatakutin ang mga testigo.
Samantala, inihahanda na rin ng legal team ng dating Pangulo ang isa pang mosyon na hindi pa nila isinusumite sa korte. Hindi pa ito idinetalye ng Bise Presidente.
Sa Setyembre 23, isasagawa na ang pagdinig sa kumpirmasyon ng charges laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).