-- Advertisements --

Iniulat ng Department of Foreign Affairs (DFA) na kabuuang 35 diplomatic protest na ang naihain ng Pilipinas laban sa China ngayong taon.

Lahat ng ito ay pormal na isinumite sa Chinese Embassy sa Maynila.

Ayon kay DFA Spokesperson Angelica Escalona, hindi pa kasama sa bilang na ito ang mga diplomatic protest na maaaring ihain kaugnay ng mga kamakailang insidente ng harassment at mapanganib na maniobra ng mga barko at eroplano ng China laban sa mga yunit ng Pilipinas sa Bajo de Masinloc (Scarborough Shoal).

Isa na dito ang insidente noong Agosto 11 kung saan nagkaroon ng banggaan sa pagitan ng barko ng China Coast Guard (CCG) at isang warship ng People’s Liberation Army (PLA) habang hinahabol ang BRP Suluan ng Philippine Coast Guard. Nasira ang barko ng CCG at hindi na nakalalayag. Wala pang pahayag ang China ukol sa posibleng nasugatan o namatay sa insidente.

Sa parehong araw, dalawang barko ng CCG ang gumamit ng water cannon laban sa dalawang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na nagsasagawa ng maritime patrol noon sa lugar.

Noong Agosto 13 naman, isang J-15 fighter jet ng PLA Naval Air Force ang nagsagawa ng mapanganib na paglapit sa isang Cessna Caravan ng PCG, na 200 talampakan lamang ang distansya.

Ayon kay Escalona, pinag-aaralan pa ng DFA kung maghahain ng hiwalay na protesta para sa mga insidenteng ito.

Subalit, nananatili aniyang bukas ang dayalogo at diplomatikong komunikasyon sa pagitan ng Pilipinas at China kung saan alinsunod sa tagubilin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. patuloy na papairalin ang mapayapang pamamaraan sa pagharap sa naturang mga isyu.