Ikinalungkot ng Armed Forces of the Philippines ang balitang nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) si AFP chief of staff Gen. Felimon Santos Jr.
Pero dalangin ng bawat sundalo na gumaling ang kanilang pinuno na naka-quarantine na sa ngayon.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Capt. Jonathan Zata, mahigpit na binabantayan ng mga military doctors si Santos at tiniyak na maayos ang kalusugan nito.
Tuloy pa rin aniya ang trabaho ni Santos kahit pa naka-work from home mode ito ngayon.
Kahit nagpositibo sa COVID 19 si Santos, asymptomatic ito.
Kasalukuyang inaalalayan si Santos nila Vice Chief of Staff VAdm. Gaudencio Collado Jr. sa aspeto ng operations, habang si Deputy Chief of Staff Lt. Gen. Erickson Gloria naman ang nakatutok sa aspeto ng administratibo.
Nakuha umano ni Santos ang naturang virus mula sa isa pang senior officer ng AFP na bumiyahe mula sa Middle East.
Dahil dito, pinapayuhan ang lahat ng mga nakasalamuha ni Santos mula Marso 13 hanggang Marso 21 na sumailalim na sa self-quarantine.
Inabisuhan ding magpatingin sa ispesyalista ang mga nakausap ng hepe ng militar mula Marso 9 hanggang Marso 12.
Ipinatutupad na sa ngayon ang total lockdown sa buong Camp Aguinaldo upang isailalim sa disinfection ang lahat ng tanggapan sa loob nito.