Nagbukas ang mga simbahan sa mga dioceses ng Malolos at Cubao upang tumanggap ng mga evacuees na apektado ng tuloy-tuloy na pag-ulan dulot ng habagat at severe tropical storm Crising (Wipha).
Ayon sa Diocese of Malolos, maaaring lumikas ang mga residente sa mga simbahan sa Marilao, Guiguinto, Meycauayan, Bocaue, Calumpit, Santa Maria, Hagonoy, Valenzuela, at Malolos.
Sa Cubao naman, bukas ang Holy Family Parish – Roxas at San Antonio de Padua Parish para sa mga evacuees.
Samantala, naghahanda ang Caritas Philippines na maglunsad ng local emergency appeal sa pamamagitan ng Alay Kapwa Solidarity Fund upang makalikom ng tulong para sa mga nasalanta.
Kabilang sa mga pangunahing pangangailangan ay pagkain, thermal kits, hygiene kits, at dignity kits.
Samantala ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council, tinatayang 362,465 pamilya o mahigit 1.2 milyong katao na mula sa 17 rehiyon ang naapektuhan ng sama ng panahon.