-- Advertisements --

Karamihan sa mga pulis na dinapuan ng COVID-19 virus ay naitala sa probinsiya at hindi na ang National Capital Region Police Office (NCRPO) na siyang nangunguna sa may pinakamaraming infected ng nakamamatay na virus.

Ito ay batay sa latest record na inilabas ng PNP Health Service.

Nasa 118 pulis ang nagpositibo sa COVID-19 kahapon.

Ang PRO-Cordillera ang nakapagtala ng pinakamaraming nagpositibo sa iisang araw kung saan 56 nag positibo at karamihan dito ay mga police trainees.

Sumunod ang PRO-10 o Northern Mindanao na nasa 22, 14 sa MIMAROPA, 12 sa mga National Operation Support Units (NOSU-6) sa CALABARZON, apat sa PRO-8 o Eastern Visayas, tatlo sa NCRPO at isa sa National Administrative Support Units (NASU).

Dahil dito sumampa na sa 5,929 ang kabuuang bilang ng mga pulis na nagpositibo sa COVID-19 sa buong bansa.

Ngunit 1,211 na lang ang aktibong kaso dahil gumaling na ang nasa 4,701 at nananatili sa 17 ang namatay.