Inilikas ang ilang mga residente sa Navotas City matapos na matibag ang parte ng river wall sa may Celest Street sa Barangay San Jose na sinabayan pa ng high tide sa gitna ng epekto ng mga bagyo at habagat sa bansa.
Ayon kay Navotas City Mayor John Rey Tiangco, na personal ding tinungo ang apektadong barangay, nagsagawa na aniya ng pagpapalikas sa mga residente katuwang ang kanilang disaster response team.
Ibinahagi ng alkalde na mabilis na tumaas ang tubig sa lugar dahilan para masira ang pader at bumilis ang agos ng tubig papasok sa mga kabahayan.
Saad pa ng local executive na umabot sa 2.5 meters ang taas ng tubig-dagat at ibinabala ang pag-peak ng high tide kaninang alas-10:00 ng umaga.
Kaugnay nito, pinayuhan din ng alkalde ang mga residente na nasa tabing-dagat o ilog na agad lumikas para na rin sa kaligtasan ng kanilang pamilya.
Kung matatandaan naman, noong nakaraang buwan, ang parehong 3-meter river wall din sa siyudad ang bumagsak bilang resulta ng high tide na nagbunsod naman sa agarang pagpapalikas noon sa 180 indibidwal mula sa 43 pamilya.
Samantala, inaasahan pa na tataas hanggang sa tatlong metro ang lebel ng high tide sa lugar na maaaring magdulot ng abot bewang na taas ng baha sa ilang mga lugar.
Iniulat din ni Mayor Tiangco na apektado ang lahat ng mga kalsada sa District 2 kapag may high tide dahil sa pagkasira ng navigational gate.
Sa kasalukuyan, idineklara na ang state of calamity sa lugar at sinuspendi na rin ang klase sa siyudad bukas.