BUTUAN CITY – Muling iginiit ng mga petitioners ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte na tama ang kanilang posisyon at ang desisyon ng Korte Suprema, na nagdeklarang ‘unconstitutional’ ito.
Ayon kay Atty. Hillary Olga Reserva, isa sa mga nagpetisyon sa pagpapawalang-bisa sa nasabing impeachment complaint, legal ang lahat nang kanilang basehan sa mga katanungang inihain nila sa Korte Suprema.
Aniya, hindi maikakaila na kanilang karapatan ang magtanong kung kumilos ba ng legal ang Kamara de Representante sa pag-aksyon nila sa ika-apat na impeachment complaint kahit na mayroon ng tatlong nauna at itinago lamang ng mababang kapulungan ng Kongreso.
Naniniwala ito na may legal na basehan ang kanilang mga katanungan hinggil sa impeachment complaint na naproseso lamang sa loob lamang ng isang araw, at hindi man lang natanong ng mga kinatawan sa kanilang mga nasasakupan kung ano ang dapat nilang desisyon.
Ayon sa abogado, maraming paraan para panagutin ang Bise Presidente sa kanyang mga aksyon, ngunit wala sa mga pamamaraang ito ang dapat minamadali.
Nilinaw din ni Reserva na maari pa ring magdesisyon ang Korte Suprema sa nasabing isyu kahit pa political issue ang impeachment, dahil bahagi rin ito ng legal na proseso.