ILOILO CITY – Panalangin ang naging sandata ng mga sakay ng Flight PR113 ng Philippine Airlines (PAL) na nag-emergency landing sa Los Angeles, California.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Rev. Fr. Pedro Calvo Jr., tubong Calinog, Iloilo at isa sa mga sakay sa nasabing eroplano, sinabi nito na kanilang itinuturing na second life o pangalawang buhay ang pagkakaligtas sa insidente.
Ayon kay Fr. Calvo, walang naging problema sa pag-take off ng eroplano ngunit makaraan ang ilang minuto ay naramdaman na ang pag-alog at doon na nakita na umaapoy ang makina ng eroplano.
Inihayag ni Fr. Calvo na sa kabila ng engine failure, naging kalmado ang lahat ng crew kaya hindi nag-panic ang mga pasahero hanggang sa nagdeklara ang piloto na kailangan nilang mag-emergency landing sa Los Angeles.
Matapos ang matagumpay na emergency landing, nakita pa mismo ni Fr. Calvo na nasira ang mga gulong ng eroplano dahil sa malakas na impact ng pag-emergency landing.
Napag-alaman na patungo sana sa Manila ang Flight PR 113 kung saan sakay ang 342 pasahero at 18 crew members.