Nagprotesta at kinontra ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa inilabas na travel warning ng China sa mga Chinese students na kinokonsidera ang pagaaral sa mga unibersidad sa bansa.
Sa isang pahayag, tinawag na isang ‘mischaracterization’ ng DFA ang mga naging warning ng Chinese Ministry of Education sa kasalukuyang sitwasyon ng edukasyon sa Pilipinas.
Ayon sa tanggapan, ang mga ‘inaccuracies’ na ito ay nakakaalarma hindi lamang para sa lagay ng bansa ngunit maging sa magiging konsepsyon ng iba pang mga nasyon sa sitwasyon na meron ang Pilipinas.
Ayon kasi sa naging babala ng China, ‘unstable’ umano ang sitwasyon ng seguridad sa Pilipinas lalo na sa pag-lipana ng mga krimen na tumatarget sa mga Chinese nationals.
Dagdag pa sa abiso, madalas din umanong kabilang ang sa mga insidente ng panghaharass ang kanilang mga kababayan.
Sa kabila ng mga pahayag na ito ng Chinese Ministry of Education, nanindigan ang DFA na lahat ng krimen na siyang kinasasangkutan ng mga Chinese nationals at iba pang nasyonalidad ay dumadaan sa tamang proseso at nireresolba ng mga tamang otoridad at ahensya.
Samantala, nananatili namang bukas sa dayalogo ang panig ng Pilipinas sa China para pagusapan ang mga concerns hinggil dito.