-- Advertisements --

Nilinaw ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ang insidente sa Gardermoen Airport sa Oslo, Norway ay bunsod ng paggamit ng isang foreign exchange stall ng lumang listahan ng mga bansang nasa ilalim ng Financial Action Task Force (FATF) grey list, kung saan nakalista pa rin ang Pilipinas.

Ang paglilinaw ay kasunod ng ulat na hindi pinayagan ang isang Pinay na magpalit ng US dollars sa naturang paliparan dahil sa umano’y pangamba sa money laundering.

Ayon sa DFA, hindi na dapat kasama ang Pilipinas sa grey list ng FATF at European Union.

Matatandaan na noong Pebrero 2025, tinanggal ang Pilipinas sa FATF grey list matapos ang mga reporma sa anti-money laundering at counter-terrorism financing systems.

Agosto 2025 naman nang tinanggal din ang bansa sa grey list ng European Union.

Nangako na ang mga opisyal ng Norway na makikipag-ugnayan sa kanilang financial authority upang ma-update ang listahan ng mga high-risk countries na ginagamit ng mga foreign exchange companies.

Layunin nitong maiwasan ang mga ganitong insidente sa hinaharap.