Binabantayan ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ang paglaganap ng mga bagong paputok na pinangalanang ‘Zaldy Co’ at ‘Discaya’ sa online market.
Ang dalawang bagong paputok ay parehong kasali sa listahan ng mga ipinagbabawal na paputok na ibenta sa merkado, ayon kay ACG Director PBGen. Wilson Asueta.
Maliban dito, nanindigan din ang PNP na iligal ang pagbebenta ng firecrackers sa online market, anuman ang kategorya ng mga ito, dahil tiyak na hindi nagko-comply ang mga ito sa safety standards.
Giit ni Gen. Asueta, lahat ng mga ibinebenta online na mayroong explosive components ay binabantayan ng pulisya.
Sa pagpasok ng kasalukuyang buwan, sampung katao na ang naaresto ng PNP sa Metro Manila, Laguna, Cavite, at Nueva Ecija, dahil sa iligal na pagbebenta ng mga firecracker online.
Iniimbestigahan din ng mga otoridad ang pinagmulan o pinanggalingan ng mga ibinebenteng produkto.
















