Naalarma ang ilang ospital sa bansa sa bagong circular ng PhilHealth hinggil sa temporary suspension nang pagbayad sa claims na kasalukuyan ay iniimbestigahan.
Ayon kay Philippine Hospitals Association president Dr. Jaime Almora, ilang bilyong Piso ang hindi pa nababayarang reimbursements ng PhilHealth.
Natatakot aniya sila na ang mga COVID-19-related claims na ito ay kalaunan maideklarang “fradulent” na posibleng makadungis pa sa reputasyon ng mga ospital.
Kaya ngayon nakikita aniya ng ilan sa kanilang mga member-hospitals na “too sweeping” ang bagong circular na ito ng PhilHealth.
“Kino-connect kasi nila, ng mga ospital namin, itong temporary suspension dito sa maraming claims na hindi pa nababayaran. So anong ibig sabihin? Ayaw magbayad at ang gagawin na rason yung mga fraudulent claims? Masisira kami niyan,” ani Almora.
“We cannot help but connect ‘yung hindi pagbayad sa bill dito sa circular na ito” dagdag pa nito.
Sa kabila ng kontrobersiya, sinabi ni Almora na patuloy pa rin silang tatanggap ng COVID-19 patients.
Pero umaapela siya sa Philhealth na bigyan naman ng “financial risk protection” ang mga ospital.