Hihiling ng dagdag na 4B pondo ang Commission on Elections (COMELEC) kung maipagpapaliban sa Nobyembre 2026 ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), upang matugunan ang gastos para sa mga bagong botante.
Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, nananatiling buo ang kasalukuyang 11B budget para sa BSKE at awtomatikong madadala ito sa susunod na taon kung maaantala ang halalan mula unang araw ng Disyembre ng kasalukuyang taon.
Gayunman, kakailanganin pa ng karagdagang pondo para sa mas maraming balota, presinto, guro, at election paraphernalia dahil sa inaasahang paglobo ng bilang ng mga botante.
Sa kasalukuyan, nasa 2.8 milyon ang bagong registrants mula sa 10-araw na voters’ registration drive—pinakamataas sa kasaysayan ng poll body at lumampas sa target na 1.5 milyon. Karamihan dito ay mga kabataan, na ayon kay Garcia ay patunay ng tumataas na “political maturity” ng mga Pilipino.
Kung ma-reset ang halalan, plano ng poll body na magsagawa ng karagdagang registration mula Oktubre 2025 hanggang Hulyo 2026, na maaaring magdala sa kabuuang 4M na bagong registrants.
Kasabay nito, bubuksan ang voters’ registration para sa overseas Filipinos mula Nobyembre 2025 hanggang Disyembre 2027 upang mahikayat ang mas mataas na partisipasyon sa botohan sa ibang bansa.
Tiniyak din ng poll body na handa na ang mga materyales para sa BSKE sakaling matuloy ito sa orihinal na petsa upang maiwasan ang pagkaantala sa preparasyon.
Samantala, pinaliwanag ni Garcia na lahat ng aplikasyon ay daraan pa rin sa pagdinig ng Election Registration Board (ERB). Kung walang natanggap na liham para sa hearing, awtomatikong aprubado ang aplikasyon, ngunit kung may abiso, kailangang dumalo ang aplikante upang maipagtanggol ang kanyang pagpaparehistro.