Naaresto ng National Bureau of Investigation – Central Visayas Regional Office ang isang opisyal ng Bureau of Fire Protection dahil sa robbery/extortion.
Nag-ugat ang operasyon kasunod ng reklamong inihain ng aplikante ng BFP laban kay Roy Sangueza Mat. Castro sa umano’y robbery at extortion.
Ayon sa nagreklamo, nanghingi raw si Castro ng malaking halaga ng pera kapalit ang ‘approval’ ng kanyang aplikasyon.
Ngunit iginiit ng ‘complainant’ na kanya ng naisumite ang lahat ng ‘requirements’ at qualified naman para sa posisyon.
Hinala niya na ang aplikasyon niya’y hindi naaprubahan o ‘denied’ dahil sa kawalan aniya ng ‘backer’.
Bunsod nito’y ibinahagi pa ng complainant na hiningan umano siya ni Castro ng P400,000 bilang ‘thanksgiving money’ sa pagkakapasok nito sa final roster ng mga kandidato para Fire Safety Officers.
Kaya’t dahil rito’y ikinasa ng mga tauhan ng NBI ang isang ‘entrapment operation’ sa Cebu City na nagresulta naman sa pagkakaaresto sa naturang opisyal ng BFP.
Kinaharap nito ang mga kasong paglabag sa Section 3 ng R.A. No. 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Direct Bribery, at Grave Misconduct sa office of the Ombudsman.
Sa resolusyong inilabas naman ng Ombudsman, napatunayang ‘liable’ si Roy Sangueza Castro, opisyal ng BFP sa paglabag ng Section 7 (d) ng R.A. No. 613 at Grave Misconduct.
Natanggal din mula sa serbisyo ang naturang opisyal at naparusahan pa ng ‘perpetual disqualification’ na makaupong muli sa anumang posisyon sa gobyerno, kasama ang ‘forfeiture’ ng retirement benefits at kanselasyon ng Ciivil Service Eligibility nito.