KORONADAL CITY – Hindi maiwasang mabahala ng ilang mga OFWs sa sitwasyon sa Gitnang Silangan kaugnay sa lumalalang tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.

Ayon kay Bombo correspondent Kenneth Bravante Sandigan, isang security guard sa isang kumpanya sa Ibril, Iraq ngunit residente ng Banga, South Cotabato, bagamat malayo sila sa lugar ng kaguluhan, apektado pa rin sila dahil sa mga pag-atakeng nangyayari sa kanilang lugar lalo na’t nasa gitna ng Iran at Iraq ang kaniyang pinagtatrabahuhang kumpanya.

Dagdag ni Sandigan, kanya-kaniya ring paglikas ang ginagawa ng mga personnel ng US consulate kung saan nagtitipon ang mga ito sa Iraq upang makaligtas sa naturang kaguluhan.

Sa ngayon aniya ay normal ang sitwasyon sa kanilang lugar ngunit nananatiling nasa high alert ang estado ng bansa dahil sa mga posibilidad ng airstrike.

Inabisuhan aniya sila ng konsulada na maging mapagmatyag lamang at manatiling kalmado sa naturang pangyayari.

Samantala, nananawagan naman ang mga Iraqis na huwag silang idamay sa gulo ng dalawang bansa.

Kasunod ito sa pagpatay ng umanoy mga kasapi ng US-led coalition sa top military official ng Iran na si Qasem Soleimani.