-- Advertisements --

Inihayag ng dalawang opisyal ng US na nakita umano ng ng intelligence nila ang pagkakarga ng mga naval mine ng militar ng Iran sa mga barko sa Persian Gulf noong Hunyo, kasunod ng missile strike ng Israel sa Iran noong Hunyo 13.

Bagamat hindi pa ito inilalatag sa Strait of Hormuz, sinabi ng mga opisyal na posibleng naghahanda ang tehran na isara ang makitid na daanang ito—na dinadaanan ng halos 20% ng pandaigdigang suplay ng langis at gas.

Noong Hunyo 22, iniulat na sinuportahan ng Iranian Parliament ang panukalang harangin ang Strait, pero kailangang aprubahan pa ito ng Supreme National Security Council.

Sa kabila ng paulit-ulit na bantang isara ang daanan, hindi pa ito kailanman isinakatuparan ng Iran.

Ayon sa White House, nananatiling bukas ang Strait of Hormuz dahil sa mga hakbang ng US, kabilang ang operasyon laban sa Houthis at pressure campaign sa Iran.

Hindi pa tiyak kung ang paghahanda ay bahagi ng aktwal na plano o panlilinlang lamang. Maaari rin umanong simpleng military precaution ito kung sakaling magbaba ng utos ang pamunuan ng iran.

Ang strait of Hormuz ay isang kritikal na daanan sa pagitan ng Iran at Oman, kung saan dumadaan ang langis mula sa Gulf patungong Asia.