-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Nilinaw ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na ang mga umuuwing Overseas Filipino Workers (OFW) na mula sa Myanmar ay hindi dahil sa nangyayaring kaguluhan kundi dahil sa COVID-19.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni POEA Administrator Atty. Bernard Olalia na patuloy ang monitoring nila sa mga pinoy sa Myanmar sa pamamagitan ng kanilang agencies na nagdeploy sa kanila sa naturang bansa.

Sa ngayon ay wala pa namang gustong magparepatriate nang dahil sa kudeta at pawang mga apektado lamang ng COVID-19 pandemic.

Dahil dito, inabisuhan na lamang ang mga pinoy na umiwas sa mga lugar na pinagsasagawaan ng kilos protesta lalo na at tuloy pa rin ang kanilang pagtatrabaho.

Mensahe niya sa mga may kamag-anak sa Myanmar na kung may gusto silang malaman sa kanilang mahal sa buhay ay ipagbigay alam lamang sa kanilang mga agencies na nagdeploy sa kanila sa naturang bansa at kung hindi sila susunod ay ipagbigay alam sa POEA dahil puwede silang masuspinde kung hindi sila susunod.

Kung direct hire naman ang kanilang kamag-anak ay lumapit lamang sa pinakamalapit na tanggapan ng DOLE sa kanilang lugar.