Umapela si dating Commission on Audit (COA) Commissioner Heidi Mendoza sa administrasyong Marcos na kung magsasagawa man ng malawakang lifestyle check ay balikan muna ang mga naunang ikinasa nitong mga nakalipas na administrasyon.
Ito ay upang hindi aniya maulit ang mga nangyaring serye ng lifestyle check na humahantong lang sa wala, sa kabila ng anti-corruption effort na ginawa ng gobiyerno.
Inihalimbawa nito ang mga nangyaring pagsusuri sa uri ng pamumuhay ng public officials kung saan naging bahagi ang Commission on Audit.
Bagaman nakakapaghain sila ng kaso laban sa mga opisyal ng gobiyerno dahil sa hindi maipaliwanag na kayaman kumpara sa nilalalaman ng kani-kanilang Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALNs), kadalasan aniyang nadidismiss lamang ang kaso.
Tinukoy ng dating commissioner ang kadalasang nagiging rason ng mga opisyal na nakalimutan nilang ilagay sa kanilang SALN ang ilang kayamanan, lalo at pinapayagan silang baguhin ito ng isang pagkakataon.
Dahil sa naturang probisyon, kalimitan aniyang nababasura lamang ang kaso, kahit maliwanag na labis ang paglobo ng kayamanan ng mga opisyal.
Dahil dito, inirekomenda ng dating COA official ang pagkakaroon muna ng strategic structure na mangangasiwa sa pagsasagawa ng lifestyle check, kasama na ang mga indibidwal na bubuo rito, at kung paano ito isasagawa.
Dapat din aniyang malinaw ang kapangyarihan ng lupon na magsasagawa nito, habang kailangan ding maging bukas ang mga dokumento para mapag-aralang mabuti ng mga naturang lupon.
Paalala ni Mendoza, bago maging excited ang lahat sa isasagawang lifestyle check, dapat ay magkaroon muna ng kokretong panuntunan sa isasagawang proseso at tiyaking mapapanagot ang mga opisyal ng bansa na matutukoy na labis ang kanilang paglobo nang hindi naaayon sa kanilang tinatanggap na sahod mula sa pamahalaan.