-- Advertisements --

Inaresto ang 10 katao matapos silang magbenta ng mga ilegal na paputok online.

Inihayag ng Philippine National Police–Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) na pinaigting nila ang kanilang mga cyber patrols bago sumapit ang Kapaskuhan.

Ayon kay Brig. Gen. Wilson Asueta, direktor ng ACG, ang mga pag-aresto ay resulta ng pitong operasyon noong nakalipas na linggo sa Nueva Ecija, Laguna, at Metro Manila.

Lumipat umano sa social media ang mga nagbebenta ng paputok dahil mas madali ang transaksyon at mas diskreto ang paraan ng paghahatid ng mga produkto.

Kahaharapin ng mga suspek ang kasong paglabag sa Republic Act 7183, kaugnay ng Seksyon 6 ng Cybercrime Prevention Act.

Binabantayan din ng ACG ang mga bagong variant ng paputok na tinawag na “Zaldy Co” at “Discaya,” na ipinangalan umano sa mga personalidad na nasasangkot sa mga maanomalyang flood control projects. (Betha Servito)