Isang halamang matagal nang ginagamit ng mga katutubong Bugkalot sa Nueva Ecija bilang lunas sa mga asong may sakit ang pormal nang kinilala ng mga siyentipiko bilang bagong species.
Tinawag itong Clerodendrum kelli, o “kelli” sa lokal na tawag, at matatagpuan lamang sa dalawang lugar sa Caraballo Mountain Range, partikular sa Mount Meddengen at Sitio Binbin sa Pantabangan-Carrangalan Watershed Forest Reserve.
Dinudurog ng mga residente sa komunidad ang mga dahon nito at inihahalo sa pagkain bilang tradisyunal na gamot sa mga asong may karamdaman.
Gayunman, Disyembre 2025 lamang ito pormal na naitala sa talaan ng Gardens’ Bulletin Singapore.
Nabatid din na umaabot sa halos isang metro ang taas ng C. kelli at may berdeng dahon na may mapusyaw na lila sa ilalim. Namumulaklak ito ng puting hugis-tubong bulaklak na may mamula-mulang rosas na base.
Hindi tulad ng ibang kauri nito, ang mga bulaklak nito ay nakaayos sa maluluwag at bukás na kumpol sa halip na siksik na grupo.
Ayon sa mga mananaliksik, hindi kalat ang halaman at mahirap matagpuan sa kagubatan. Dahil sa limitado lamang, itinuturing na itong critically endangered.
Kabilang sa mga banta sa species ang pagkawala ng tirahan nito dulot ng land conversion at mga pagguho ng lupa, lalo na sa matatarik na bahaging pinagtutubuan nito.
Nilinaw ng mga mananaliksik na walang kinalaman ang pagkaubos nito sa tradisyunal na paggamit ng Bugkalot.
Inilarawan ng Ateneo de Manila University’s research communications unit, ang pagkakatuklas sa Clerodendrum kelli bilang higit pa sa ”scientific milestone.’
















