-- Advertisements --

Libu-libong minimum wage earners sa Central Luzon ang inaasahang makikinabang sa pagpapatupad ng ikalawang tranche ng umento sa sahod na epektibo ngayong Abril 16, 2026.

Ang hakbang na ito ay bahagi ng Wage Order No. RBIII-26 na inilabas ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB-III), na nagtakda ng kabuuang P50 hanggang P80 dagdag sahod na ipinatupad sa dalawang yugto.

Sa ilalim ng bagong wage order, itinaas ang arawang minimum wage sa mga probinsya ng Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, at Zambales sa P600 para sa non-agriculture, P570 para sa agriculture, at P590 para sa retail at service sector.

Samantala, sa Aurora, umabot naman sa P560 ang non-agriculture, P545 sa agriculture, at P515 para sa retail at service workers.

Ang unang tranche ng umento ay ipinatupad noong Oktubre 30, 2025, na nagbigay ng P20 hanggang P40 dagdag sahod.

Sa ikalawang tranche ngayong Abril, nadagdagan pa ng P30 hanggang P40 ang arawang kita ng mga manggagawa. Layunin ng wage hike na mapagaan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin at langis, at matulungan ang mga manggagawa sa pribadong sektor na makasabay sa gastusin.

Ang Central Luzon ay isa sa pinakamalaking rehiyon ng bansa na may mataas na konsentrasyon ng mga pabrika, agrikultura, at service industries.

Inaasahang magbibigay ginhawa ang dagdag sahod sa libu-libong manggagawa, ngunit may hamon din sa mga maliliit na negosyo na kailangang mag-adjust sa dagdag na labor cost.