Ipinag-utos ni PNP chief PGen. Guillermo Eleazar sa Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) at Case Monitoring Division (CMD) na I-account ang lahat ng isinampang kaso ng PNP na na-dismiss sa korte dahil sa teknikalidad.
Layon nito para makagawa ng mga kaukulang hakbang upang masiguro na ang lahat ng pagod ng mga pulis sa pagsasampa ng kaso laban sa mga suspek ay hindi mababalewala dahil lang sa teknikalidad.
Ang direktiba ni Eleazar ay kasunod ng nangyaring pagpapawalang bisa ng Tanauan City court ng search warrant laban sa isang suspek, at pagbabasura ng lahat ng kasong isinampa ng PNP laban sa kanya.
Ang suspek na si Erlindo Baez ay kasama sa mga subject ng search warrant sa simultaneous Law enforcement operations sa CALABARZON noong Marso, kung saan anim na iba pa ang naaresto matapos makuhanan ng pampasabog at mga baril.
Si Baez na umano’y coordinator ng grupong Bayan sa Batangas, ay ipinag-utos ng korte na palayain mula sa kustodiya ng mga pulis.
Sinabi naman ni Eleazar na ginagalang ng PNP ang desisyon ng korte pero hinihintay pa nila ang kopya ng desisyon upang maipatupad ang nasabing kautusan.