-- Advertisements --

LA UNION – Nag-iwan ng isang patay ang nangyaring self vehicular accident sa kahabaan ng national highway na bahagi ng Barangay Taboc, San Juan, La Union, kagabi.

Dead on arrival sa pagamutan ang isa sa mga sakay ng FX na nakilalang si Sonny Miape, tubong Davao at pansamantalang naninirahan sa Barangay Urbiztondo sa bayan ng San Juan.

Sugatan naman ang driver at apat pang sakay nito na nakilalang sina:

Rodrigo Santos, 29-anyos, driver, tubo ng Marikina City; Allen Valdez, 21, tubo ng Marikina City; Efraim Canapi, 25, tubo ng Marikina City; Ronie Eslep, 24, tubo ng Misamis Occidental; Goldilocks Serrano, 36-anyos, babae, tubo ng Marikina City at pawang naninirahan sa Barangay Urbiztondo sa nasabing bayan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng San Juan Police, bumangga ang FX sa gilid ng kalsada matapos umanong mawalan ng kontrol sa manibela.

Sa lakas ng pagkakasalpok ng kanilang sasakyan, nagmistula itong nayuping lata.

Damay sa insidente ang bahagi ng isang bahay ngunit masuwerteng walang nasaktan sa mga naninirahan dito.

Sinabi ng police investigator, magsa-sampung buwan na sa La Union ang mga biktima na nanuluyan sa isang resort matapos silang maabutan ng lockdown at pauwi na sana ang mga ito nang mangyari ang aksidente.

Sa ngayon, patuloy na ginagamot sa isang ospital sa San Fernando City ang mga sugatan.

Samantala, inamin ng driver sa mga otoridad na lasing ito at nakaidlip nang mangyari ang aksidente.