Hindi dapat Kongreso kundi independent anti-corruption body o ahensya ang manguna sa pagsusuri ng pamumuhay, o lifestyle check, ng mga opisyal ng gobyerno.
Ito ang iginiit ni Senador Juan Miguel Zubiri na aniya hindi angkop na ang Kongreso mismo ang magsagawa ng imbestigasyon, lalo na sa gitna ng nagpapatuloy na imbestigasyon kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects.
Ipinunto ni Zubiri na maaaring pamunuan ng Ombudsman, Commission on Audit, at Bureau of Internal Revenue ang isang third-party body na magsasagawa ng lifestyle check, kabilang na ang mga isusumiteng Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng mga opisyal ng gobyerno.
Iginiit pa ni Zubiri na hindi dapat malimitahan ang nasabing pagsusuri sa mga appointees lamang ng Pangulo, kundi dapat ding kasama ang mga halal na opisyal.
Tinukoy pa ng senador ang ilang politiko na nakikitang mayroong marangyang pamumuhay ngunit ang tanging nakasaad na pinagkukunan ng kita ay mula lamang sa pagiging lingkod-bayan.
Giit ng mambabatas, kumporme siya na isailalim ang lahat ng opisyal ng pamahalaan sa lifestyle check upang matiyak ang integridad at tamang paggamit ng pondo ng bayan.
Iginiit din niya na dapat may managot sa isyu ng mga umano’y ghost projects sa flood control, kasabay ng magkakahiwalay na imbestigasyon ng Kongreso at ehekutibo.
Tinukoy ng senador na malinaw ang mga kasong maaaring isampa laban sa mga sangkot, kabilang ang graft sa ilalim ng Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act, estafa at falsification of public documents, kung may mga pekeng ulat at pirma na nagsasabing tapos ang proyekto kahit hindi pa.
Dagdag pa ang economic sabotage, lalo na kung flood control projects ang tinukoy na kumpleto ngunit hindi naman naipatayo, na nagdudulot ng pagbaha at pagkaantala ng ekonomiya.
Giit ni Zubiri, hindi na kailangan ng panibagong batas para tugunan ang korapsyon at sa halip ay mahigpit na pagpapatupad nito.