Inanunsyo ng Department of Agriculture (DA) na isasama na ang mga mangingisda sa mga benepisyaryo ng programang P20 kada kilong bigas simula Agosto 29.
Ayon sa ahensiya, sisimulan ang pagbebenta ng murang bigas sa mga komunidad ng mangingisda sa pamamagitan ng mga fish port sa iba’t ibang rehiyon sa buong Pilipinas sa pagtatapos ng Agosto.
Magpapatuloy rin ang lingguhang distribusyon ng murang bigas sa mga lalawigan na may aktibong National Food Authority (NFA) depots hanggang sa katapusan ng taon.
Matatandaan, una ng itinakda ang programa para sa mga senior citizen, persons with disabilities (PWDs), solo parents, at mga indigent.
Kamakailan, pinalawak ito upang maisama ang mga minimum wage earners, benepisyaryo ng DSWD Walang Gutom program, mga magsasaka at farm workers na nasa Registry System for Basic Sectors in Agriculture.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., halos 400,000 pamilya na ang nakikinabang sa naturang programa.
Sa ngayon, mayroon aniyang sapat na suplay at pondo para matustusan ang programa kung saan nasa P10 bilyong karagdagang pondo ang ipinanukala para sa rice program sa ilalim ng 2026 national budget.