-- Advertisements --

Exempted na ngayon sa pag-isyu ng mga resibo ang mga indibidwal na supplier/producer/sellers, contract growers at miller ng Agricultural Food Products na ang taunang kabuuang benta o annual gross ay hindi lalampas sa isang milyong piso (P1,000,000.00) alinsunod sa Revenue Regulation No. 12-2023.

Ito ang inanunsiyo ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo Lumagui Jr.

Sinabi ni Lumagui, gagawin ng BIR ang kanilang parte na gawing madali ang buhay ng mga magsasaka.

Binigyang-diin ni Lumagui na ire-require lamang ng BIR na mag-isyu sila ng resibo kapag umabot ang kanilang annual gross sales sa mahigit isang milyong piso.

Ang nasabing hakbang ay bahagi ng commitment ng BIR sa Ease of Doing Business and Taxpayer’s Service, dahilan na tinanggal nito ang requirement ng principal and supplementary gross sales/receipts para sa benta ng mga Agricultural Food Products ng mga malilit na magsasaka.

Ang mga produktong pang-agrikultura ay tumutukoy sa mga produkto na karaniwang ginagamit para sa paggawa ng pagkain para sa pagkonsumo ng tao tulad ng mga ani sa bukid, hayop, manok, produktong dagat, ordinaryong asin, at mga input sa agrikultura.

Saklaw din ang mga produkto na sumailalim sa simpleng proseso ng paghahanda o preservation para sa pamilihan.