-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Malaking perwisyo sa ngayon para sa mga magsasaka sa highland areas ang mataas na transport cost at farm inputs.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Agot Balanoy, manager ng highland farmers cooperative, sinabi niya na maraming magsasaka sa hilagang bahagi ng Benguet ang hindi na nagbababa ng kanilang mga produkto dahil sa nakapataas na transportation cost.

Ngunit sa kabila aniya nito, hindi naman makapagtaas ng presyo ng gulay ang mga apektadong magsasaka dahil ang farm gate price ay nakasalalay pa rin sa demand at supply sa merkado.

Dahil dito, nagiging matumal na ang bentahan ng gulay at ang ilang magsasaka ng high valued crops ay nakikisabay na lamang sa iba pang magsasaka sa pagbaba ng produkto dahil sa mababang demand.

Ayon kay Balanoy, aasahan na ang mataas na presyo ng gulay sa Metro Manila dahil sa mataas na transportation price habang wala namang magiging pagbabago sa presyo ng gulay sa mga probinsya dahil sa hindi gumagalaw na farm gate price.

Samantala, naghahanda na ang Highland Farmers Cooperative para sa pakikipagdayalogo sa Department of Agriculture upang idulog ang suliranin kaugnay sa nauubos na capital ng maraming magsasaka dahil sa hindi mapigilang pagtaas ng farm inputs, idagdag pa ang hindi masolusyunang usapin ng smuggling.