Epektibo na bukas, Mayo 5, ang panibagong taas-presyo sa mga produktong petrolyo.
Sa magkakahiwalay na advisory, sinabi ng mga kumpanya ng langis na tataas ng P2.21 ang kada litro ng gasolina at P2.66 naman sa diesel. Habang baba naman ng P3.53 kada litro ang presyo ng kerosene.
Ipatutupad ang mga bagong presyo bukas ng alas-6 ng umaga.
Ayon kay Energy Sharon Garin, inaasahan na ang pagtaas ng presyo ng langis ngayong linggo, dulot ng paghina ng piso na umabot sa record low na P61.75 kontra dolyar noong nakaraang linggo.
Batay naman sa datos ng Department of Energy, may sapat na suplay ng langis ang bansa na tatagal ng humigit-kumulang 53.71 araw, kabilang ang gasolina, diesel, kerosene, jet fuel, fuel oil, at liquefied petroleum gas (LPG).
Noong nakaraang linggo, bahagyang tumaas ang presyo ng gasolina ng P0.53 kada litro, habang malaki naman ang ibinaba ng diesel at kerosene sa P12.94 at P15.71 kada litro, ayon sa mga oil firms.
















