Naniniwala si Senator Erwin Tulfo na magiging malaking kahihiyan para sa Senado kung magkakaroon umano ng kudeta sa liderato nito upang mapigilan ang impeachment proceedings laban kay Bise Presidente Sara Duterte.
Ang pahayag ni Tulfo ay kasabay ng pag-igting ng mga usap-usapan tungkol sa umano’y planong patalsikin si Senate President Vicente Sotto III bago pa man maipadala sa Senado ang Articles of Impeachment mula sa House of Representatives.
Ayon sa senador, mahihirapan umanong ipaliwanag sa publiko kung bakit kailangang magkaroon ng pagbabago sa liderato kasabay ng nakaambang impeachment trial.
“Magiging napakalinaw sa tao kung bakit magkakaroon ng kudeta. Paano nila iyon ipapaliwanag sa publiko?” ani Tulfo.
Para kay Tulfo, hindi dapat gamitin ang pagpapalit ng liderato bilang paraan upang maantala o mapigilan ang constitutional process ng impeachment.
Iginiit din niya na mas makabubuting hayaang umusad ang paglilitis upang magkaroon ng pagkakataon si Duterte na sagutin ang mga alegasyon laban sa kanya.
“Karapatan ng bawat isa na marinig ang kanilang panig. Kapag natuloy ang trial, doon lalabas ang katotohanan,” dagdag niya.
Nauna nang sinabi ni Sotto na agad na kikilos ang Senado sa sandaling matanggap nito ang Articles of Impeachment, bagamat kailangan pa rin ng ilang preparasyon bago magsimula ang aktuwal na paglilitis.
Samantala, sinabi rin ni Senador Sherwin Gatchalian na hindi dapat maging usapin ng pagpapalit ng liderato ang impeachment dahil obligasyon ng Senado na dinggin ang kaso sa ilalim ng Konstitusyon.















