-- Advertisements --

Kinumpirma ng Department of Agriculture (DA) na malapit na nilang ilunsad ang programang “Benteng Bigas, Meron Na!” na eksklusibong nakalaan para sa mga pampublikong guro at mga non-teaching personnel.

Ito ang binigyang diin ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. matapos ang matagumpay na paglulunsad ng ₱20 per kilo rice program na unang nakatuon sa mga jeepney driver, tricycle driver, at iba pang manggagawa sa pampublikong transportasyon, na inilunsad nitong araw.

Batay sa plano ng DA, target nilang makapagbenta ng tinatayang 1,000 tonelada ng bigas araw-araw pagsapit ng October 2025 sa ilalim ng nasabing P20 per kilo rice program.

Sa ilalim ng programang ito, bawat pamilya ay magkakaroon ng pagkakataong makabili ng hanggang 10 kilo ng bigas kada buwan sa pamamagitan ng Kadiwa ng Pangulo.

Upang matiyak ang patuloy na tagumpay at pagpapalawak ng programa, naglaan ang pamahalaan ng karagdagang ₱10 bilyon sa 2026 budget.

Ang pondong ito ay nakalaan upang suportahan ang mga operasyon at matiyak na mananatili ang pagpapalawak ng programa sa mga susunod na taon.