KALIBO, Aklan—Naniniwala ang dating miyembro ng Makabayan Bloc na kailangan nang isumite sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang mga dokumento, ebidensya at mga nabunyag na pahayag ng mga sangkot sa malawakang katiwalian at korapsyon sa tanggapan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa mga naging pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ukol sa flood control project anomalies.
Ayon kay former Alliance for Concerned Teachers (ACT) Partylist representative France Castro, kailangan din na maging transparent sa kanilang imbestigasyon ang ICI at mabusisi ang mga ito sa mga sworn statement ng mga inaakusahang DPWH executives at mga top contractors na humarap sa mga pagdinig ng Senado.
Samantala, hindi rin sinang-ayunan ng dating mamamalidha ang agarang pagsailalim sa Witness Protection Program sa mag-asawang Curlee at Sarah Discaya gaya sa naging pahayag ni Senador Rodante Marcoleta na naging sanhi ng sagutan nila ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla gayundin ang naging kahilingan nina Bulacan 1st District Engineering Assistant chief Brice Hernandez at former Bulacan DPWH District Engr. Henry Alcantara.
Dagdag pa ni Castro, hindi pa nakamit ng mga nasabing indibidwal ang requirements upang isailalim ang mga ito sa Witness Protection Program dahil una pa lamang ay paiba-iba na ang mga kasagutan ng mga ito na naging dahilan na makailang ulit silang ipinacontempt ng Senado.
Ngunit, obligasyon din aniya ng pamahalaan na mapangalagaan ang kaligtasan ng mga taong nagsisiwalat ng katotohanan para sa inaasam-asam na hustisya ng mamamayan.