Pormal nang ipinakilala ng House Prosecution Panel ngayong araw ang unang batch pangkat ng mga beteranong private prosecutors na magiging katuwang sa gaganaping impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado.
Ayon kay House Committee on Justice Chairperson at lead prosecutor Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, binubuo ang unang batch ng mga kilalang litigator, dating opisyal ng gobyerno, at mga legal academic na nagboluntaryong magsilbi nang pro bono o walang bayad.
Kabilang sa mga ipinakilalang abogado sina dating assistant presidential legal counsel Marforth T. Fua ng PECABAR Law, veteran trial lawyer Lorna Kapunan ng Kapunan and Castillo Law Offices, at UP College of Law lecturer Amando Virgil Ligutan ng SALiGAL Law.
Kasama rin sa grupo sina Atty. Erwin Matib, Atty. Justine Anne Lamarca, Atty. James Bryan Ibrahim, Atty. Sonya Margarita Benemerito Castillo, Atty. Deanne Melissa Lorenzo-Singian, Atty. Bettina Zamora, at Atty. Lino Chris Kapunan.
Ayon naman kay House prosecutor at Akbayan Party-list Rep. Jose Manuel “Chel” Diokno, malaki ang maitutulong ng mga pribadong abogado sa pag-aayos ng mga ebidensya at paghahanda ng mga testigo bago isalang sa Senado.
Binanggit din ni Diokno na bahagi na ito ng tradisyon sa bansa, tulad ng naging papel niya bilang volunteer prosecutor noong impeachment trial ni dating Pangulong Joseph Estrada.
Nilinaw naman ng pamunuan ng panel na mananatili sa ilalim ng direktang kontrol at pangangasiwa ng House prosecution panel ang mga papasok na pribadong abogado alinsunod sa mga panuntunan ng impeachment.
Inaasahan na magpapakilala pa ang Kamara ng mga susunod na batch ng mga private prosecutors sa mga darating na linggo bago magsimula ang paglilitis.
















