-- Advertisements --

Humarap sa isinagawang ‘public interview’ ng Judicial and Bar Council ang ilang mga aplikante sa posisyong pagka-Ombudsman ngayong araw.

Opisyal itong sinimulan at ginanap sa Korte Suprema, lungsod ng Maynila kung saan unang sumalang ang kasalukuyang chairperson ng Philippine Competition Commission na si Michael Aguinaldo.

Dito siya’y natanong hinggil sa iba’t ibang mga usapin at isyu ng bansa sa kung papaano niya ito haharapin bilang Ombudsman sakaling siya’y maitalaga.

Habang ibinahagi ng naturang kandidato ang kahalagahan ng integrasyon ng Artificial Intelligence o AI sa Office of the Ombudsman.

Ngunit sa naging pagtatanong pa ng Judicial and Bar Council panel of interviewers, nahalungkat maging ang nasa sampu nitong mga kaanak nagserbisyo ngayon sa gobyerno.

Kabilang sa mga humarap din na kandidato ay si Undersecretary Romeo Benitez ng Department of Interior and Local Government.

Siya’y natanong hinggil naman sa usapin ng Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth o SALN kung dapat ba itong maisapubliko.

Natalakay rin ang isyu ng ‘ghost projects’ ng flood control sa naging pagtatanong ni Senator Alan Peter Cayetano sa mga kandidato.

Sa panayam ng Bombo Radyo, kanyang ibinahagi ang kahalagan ng pagsasagawa ng public interview, nais niyang aktibo ang maging susunod na Ombudsman.

Bukas, ika-29 ng Agosto nakatakdang magpatuloy pa ang naturang public interview ng Judicial and Bar Council.

Habang sa susunod na buwan ng Setyembre ay inaasahang haharap dito ang kasalukuyang kalihim ng Department of Justice na si Secretary Jesus Crispin Remulla.