Kinumpirma ni Marikina Mayor Marcelino Teodoro na hindi umano kinunsulta ang mga local chief executives sa rehiyon hinggil sa pagluwag sa quarantine restrictions sa Metro Manila simula bukas, October 16, 2021.
Sinabi ni Mayor Teodoro na walang naging pag-uusap o pagpupulong sa pagitan ng Metro Manila mayors at ng IATF (Inter-Agency Task Force) kaya nabigla na lamang sila ng natanggap nila ang bagong alert level.
Ayon kay Teodoro ilang mga alkalde ang nagtatanong at pinag-aaralan ng mabuti kung paano nila ligtas maipatupad ang bagong alert level system.
Sinabi ni Teodoro na pabor siya sa pagbubukas ng ekonomiya pero dapat maging maingat sa mga minimum public health standard at dapat nakalatag ng maayos ang guidelines.
Dagdag pa ng alkalde na siya ay nangangamba na baka maulit na magkaroon muli ng surge ng COVID-19 cases sa NCR.
Sa panig naman ni Navotas Mayor Toby Tiangco, hindi nirekomenda ng mga Metro mayors na luwagan ang quarantine restrictions sa rehiyon.
Nitong nakalipas na Miyerkules inanunsiyo ng gobyerno na isasailalim sa Alert Level 3 ang NCR mula October 16 hanggang 31.
Sa ilalim kasi ng Alert Level 3, ang mga business establishments ay maaari ng mag-operate hanggang 30 percent sa indoor venue capacity para doon sa fully vaccinated individuals at nasa 50 percent naman ang outdoor capacity.
Ayon sa alkalde kanila ng minamadali ang paghahanda para sa implementasyon ng bagong alert level system at nag-iikot na sangayon ang kanilang mga inspector sa mga establishments para tignan kung sila ay nakahanda.