-- Advertisements --

Nagkasundo na umano ang mga Metro Manila mayors sa National Capital Region (NCR) na ipatupad ang programang “Vax as One.”

Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority Chairman Benhur Abalos, layon nito na mapabilis pa ang vaccination rollout sa NCR.

Ayon kay Abalos, sumang-ayon umano ang Metro Manila Council (MMC) na binubuo ng mga alkalde na payagan na rin ang mga local government units na magbukas sa kanila-kanilang mga lugar ng mga residente na hindi nakatira sa kanilang mga areas.

Sinabi ni Abalos na kung tutuusin sa simula pa lamang ay nagbakuna na ang mga Metro Manila LGUs ng mga medical frontliners at economic workers na hindi naman mga residente sa kanilang lugar.

Ang pagpayag ng mga LGUs sa kanilang sistema ay dahil naabot na rin nila ang vaccination target sa bilang ng popolasyon.

Gayunman hindi pa rin papayagan ang mga walk-ins at kailangan pa rin ang appointment.

Kabilang sa mga prayoridad na mga residente sa “Vax as One” na liban sa NCR ay nagmula sa Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal province.