-- Advertisements --

Nagkasundo ang mga alkalde sa buong Metro Manila na i-downgrade na ang National Capital Region (NCR) sa Alert Level 1 simula sa darating na Marso 1.

Ayon kay Metro Manila Council chairperson at Parañaque Mayor Edwin Olivarez, ipapadala nila ang rekomendasyon nila sa Inter Agency Task Force (IATF), na siya namang maglalabas nang pinal na desisyon sa naturang usapin.

Martes nang gabi nang magpulong ang 17 Metro Manila mayors para talakayin ang kanilang magiging rekomendasyon sa kung ano ang magiging susunod na alert level status sa rehiyon.

Nauna nang sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na ang Alert Level 1 ay ikokonsidera na bilang “new normal” scenario hanggang sa tuluyang maalis ang public health emergency sa bansa.

Subalit sa kabila nito, kailangan pa rin aniya na mahigpit na sundin ng publiko ang minimum health standards.

Kamakailan lang, sinabi ng independent research group na OCTA na bumubuti na ang COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) trends sa NCR, matapos na bumaba ang positivity rate nito sa 5 percent.