Patuloy na inaabangan ngayon ang magaganap na pagpupulong nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at US President Joe Biden sa sidelines sa nagpapatuloy na na 77th United Nations General Assembly doon sa New York.
Sinasabing ang bilateral meeting nina Marcos at Biden ay kasabay din ng gagawing reception ni Biden sa mga heads of state na dumadalo sa United Nations General Assembly (UNGA).
Kagabi ay pagkakataon naman na magtalumpati ni President Biden sa UN.
Una na ring iniulat ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles ang magaganap na pagpupulong nina Pangulong Marcos at Biden ay magiging makasaysayan.
Inaasahan daw na matatalakay ng dalawang world leader “ang pagpapatatag ng relasyong Pilipinas-US na nasa 76 na taon na ng kooperasyon, pagpapayabong ng kalakalan, pamumuhunan sa ating bansa, at iba pang isyu na kinakaharap ng mundo.”
Kung maalala sina Marcos at Biden ay una nang nagkausap sa telepono noong buwan ng Mayo matapos na manalo sa presidential election ang bagong presidente ng Pilipinas.
Posible rin naman malaman kung pormal nga bang iimbitahan ang Pangulong Marcos ni President Biden para bumisita rin sa White House.
Samantala nitong nakalipas din naman na araw matapos ang talumpati ng Pangulong Marcos sa United Nations, nakapulong din niya si France President Emmanuel Macron, gayundin si UN Secretary General Antonio Guterres.