Kinumpirma ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi dadalo sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan bukas sa Rizal Park, Maynila si Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa halip, inatasan nito si Executive Secretary Salvador Medialdea na kumatawan sa kanya sa okasyon.

Pero magiging bahagi pa rin ng programa sa Rizal Park ang Independence Day message ni Pangulong duterte na isasahimpapawid pagkatapos ng seremonya.

Sinabi ni Sec. Roque, batay sa Inter-Agency Task Force for the Management of the Emerging Infectious Diseases (IATF) guidelines ay hanggang 10 tao lamang ang pwedeng dumalo sa isang pagtitipon.

Kapag dumalo umano si Pangulong Duterte, mag-eengganyo lamang ito ng maraming tao, kaya minabuti na lamang na magpadala ito ng kanyang kinatawan.

Sa kasaysayan ng pagiging presidente ni Pangulong Duterte, hindi pa ito dumalo sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan sa Maynila.

Inihayag ni Sec. Roque na mananatili pa rin sa Davao City bukas si Pangulong Duterte pero maaga itong babalik ng Metro Manila para sa pagpupulong nito sa IATF sa Lunes.