Reading Time: 2 minutes

Pinabulaanan ni Floyd Mayweather Jr. na pinag-iisipan daw nito ang posibilidad na pagbigyan ang hirit na rematch ni Sen. Manny Pacquiao sa Saudi Arabia.

Ito’y kahit lumabas ang isang video kung saan makikita na kanyang kinumpirma ang naturang plano.

Sa naturang video, sinabi ni Mayweather na bibiyahe raw ito papuntang Saudi Arabia upang makipag-usap sa mga interesadong partido ukol sa pag-host sa Mayweather-Pacquiao 2.

Pero ayon sa retired American superstar, lumang video na raw ito.

“The video that y’all been seeing is false because I’ve been went to Saudi Arabia. I went there a long time ago,” wika ni Mayweather.

“I talked to them about me fighting there, just different fights, but they wanted me to specifically say Manny Pacquiao,” dagdag nito.

Katwiran pa ni Mayweather, kinunan daw ang nasabing video siyam na buwan na ang nakalilipas upang i-promote ang ginawa nitong pagbisita sa nasabing bansa.

“And actually, we didn’t just talk about boxing; we talked about different events; us bringing different events out there,” ani Mayweather.

Matatandaang nagharap ang dalawang kampeon noong 2015 kung saan nagwagi si Mayweather sa pamamagitan ng unanimous decision.

Mula noon ay humirit na ng rematch ang fighting senator, ngunit malamig dito ang dating five-division world champion.

Giit din ni Mayweather, hindi na umano sila magtutuos pang muli ni Pacquiao sa ibabaw ng ring.

“Basically, that’s an old video. At the end of the day, there’s no talks about me and Manny Pacquiao fighting a rematch. Even if we did fight, all they’re going to do is have an excuse, just like the first time,” sambit nito.

Bumuwelta rin si Mayweather kay Pacquiao na aniya’y gumagawa lang daw ng dahilan makaraang matalo sa kanilang 2015 bout.

Partikular na tinukoy ni Mayweather ang kanang balikat ni Pacquiao, na nagka-injury umano sa kalagitnaan ng sparring.

“The first time, you know, he can raise his hand after the fight is over, then all of a sudden, his shoulder is messed up. Excuse after excuse, you know what I’m saying. A real champion, you know, he takes his wins like a man and he takes his losses like a man,” anang boksingero.