-- Advertisements --

Kinumpirma ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na naisumite na niya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga documentation na nagdedetalye sa ilang public infrastructure project sa Baguio City at buong probinsya ng Benguet na pinaniniwalaang may nakakabit na anomalya.

Inihalimbawa ng alkalde ang pag-aayos sa mga napipinsalang bahagi ng Kennon Road. Bagaman mabilis ang mga serye ng rehabilitasyon, ang mga isinumite niyang documentation ay nagpapakita na ang mga ito ay pawang substandard.

Maliban sa sikat na Kennon Road, maraming iba pang public infrastructure project ang nakapaloob sa package.

Kinabibilangan ito ng mga substandard project ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at mga proyektong hindi naipaalam sa lokal na pamahalaan tulad ng rockshed, rock netting, cat’s eyes, solar lights at flood control infrastructure projects.

Kasama rin dito ang isang road project na tinatawag bilang ‘Great Wall of Baguio City’ na tinawag ng alkalde bilang ‘rad to nowhere’ na aniya’y may kaakibat na anomalya sa pagkakagawa.

Ang pagsusumite sa mga naturang proyekto ay ilang araw matapos bumisita si Pang. Ferdinand Marcos Jr. Baguio City upang magsagawa ng inspection sa ilang public infrastructure project. Isa sa mga pangunahing pinuna ng pangulo ay ang P260 million rockshed sa Barangay Camp 4, Kennon Road, sa bayan ng Tuba.

Matapos ang pag-uusap nina Magalong at Pang. Marcos, sinabi ng alkalde na nakita niya ang determinasyon at conviction ng pangulo na panagutin ang mga responsable sa mga itinatayong pampublikong imprastraktura na nakikitaan anomalya o korupsyon.