-- Advertisements --

Matapos kumalas sa Commission for Infrastructure (ICI), bilang special adviser, itinanggi ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang mga naguugnay umano sa kanya sa katiwalian sa lungsod.

Sa isang pahayag noong Sabado, sinabi ni Magalong na mabigat ang kanyang pasya para umalis sa ICI ngunit ito aniya ay kailangan upang mapanatili ang kredibilidad ng komisyon.

Binigyang-diin pa ng alkalde na wala siyang kinalaman sa mga kuwestiyonableng proyekto at walang “conflict of interest” sa kanyang pagkakatalaga sa ICI.

Kasabay ng pagbibitiw, iniulat ang pagkakasangkot ni Magalong sa dalawang proyektong pang-imprastruktura ng lungsod ng Baguio noong 2022 sa contractor couple na sina Pacifico ‘Curlee’ at Cezarah ‘Sarah’ Discaya.

Kaugnay nito, sinuspinde rin ni DPWH Secretary Vince Dizon ang anim na opisyal ng Baguio District Engineering Office.

Una nang iniutos ni Magalong ang hiwalay na imbestigasyon mula sa Sangguniang Panlungsod ng Baguio para sa mga proyektong naantala gaya ng tennis court at parking lot sa Burnham Park.

Matatandaaan na itinalaga si Magalong sa komisyon noong Setyembre 13 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kasama sina dating Supreme Court Justice Andres Reyes Jr., dating DPWH Secretary Rogelio “Babes” Singson, at SGV executive Rossana Fajardo.
Wala pang opisyal na pahayag si Pangulong Marcos ukol sa pagbibitiw, ngunit tinawag ito ng kanyang press office na “nakalulungkot.”

Sa kanyang huling pahayag, nanawagan si Magalong sa mga Pilipino na huwag hayaang nakawin ng mga tiwaling opisyal ang kinabukasan ng kabataan at ang kinabukasan ng bansa.