CEBU CITY – Inanunsyo ni Cebu City Mayor Edgardo Labella sa mga kababayan na sasailalim ito sa surgery o operasyon ngayong araw.
Ito ay upang tanggalin ang kanyang gallbladder stones.
Kasabay nito ay ang paghayag ng kasiyahan na mayroon na sa wakas kongkretong resulta ang limang buwan na pakikipaglaban sa coronavirus kung saan patuloy na bumababa ang bilang ng mga nagpositibo sa lungsod.
Sa pinakabagong case bulletin ng Cebu City, anim lang ang bagong nadagdag na kaso ng deadly virus.
Habang 598 na lang ang aktibong kaso mula sa 9,659 total cumulative cases.
Ayon pa kay Labella, dahil nagsilbi itong matinding pagsubok sa kanya kaya binalewala na muna nito ang iniindang sakit sa tiyan at kasukasuan.
Nabatid na noong makapagpa-check-up ito, na-diagnose ang gallbladder stones kaya pinayuhan ng doktor na kailangan itong tanggalin.
Tiniyak naman ng mayor na patuloy ang operasyon sa city hall at hinihingi rin nito sa mga Cebuano na ipagdasal siya para sa matagumpay na surgery.