-- Advertisements --

Magdudulot ng maulap na kalangitan, rain showers at thunderstorms sa buong bansa ang trough o extension ng Tropical Depression Hanna ngayong araw.

Kasabay nito ay nagbabala ang PAGASA (Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration) sa posibleng pagkakaroon ng flashfloods at landslides.

Nabatid na hanggang kaninang alas-3:00 ng madaling araw, ang Bagyong Hanna ay namataan sa layong 1,095 kilometers sa silangan ng Infanta, Quezon.

May taglay itong lakas ng hangin na aabot sa 55 kilometers per hour (kph) at pagbugso na 70 kph.

Patuloy itong kumikilos sa northwest na direksyon sa bilis na 15 kph.

Samantala, magdudulot ng pag-ulan sa Metro Manila, Mimaropa (Mindoro-Marinduque-Romblon-Palawan), Bataan, Zambales, Cavite, Laguna at Batangas, ang southwest monsoon o hanging habagat.

Inaasahang makakaranas naman ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na rainshowers at thunderstorms ang Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Western Visayas at ang nalalabing bahagi ng Central Luzon.