Dinipensahan ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Chief Aaron Aquino nitong araw ang kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga.
Ito’y matapos sabihin ni Vice President Leni Robredo na bigo ang pamahalaan sa layunin nito nang ipatupad ang kampanya kontra droga kaya marapat lamang na ihinto na ito.
Sa isang panayam, tinukoy ni Aquino ang mga accomplishment ng anti-illegal drugs campaign ng pamahalaan at ang mataas na satisfactions rating na nakuha nito sa nakalipas na survey.
Sinabi ni Aquino na para sa PDEA, hindi maituturing na “failure” ang war on drugs kundi ikinokonsidera ito bilang isang solusyon.
Batay sa huling poll ng Social Weather Stations (SWS), nanatiling “excellent” ang satisfaction rating ng war on drugs.
Ayon sa PDEA chief, resulta ito nang pagkakakompiska sa nasa humigit-kumulang P36-billion halaga ng iligal na droga, pagkaaresto sa halos 200,000 suspects, at drug-free status ng 15,000 barangays sa loob lamang ng dalawang taon at apat na buwan na implementasyon.
“Kapag itinigil ang kampanya laban sa iligal na droga, mamamayagpag na naman lahat ng mga drug lords, lahat ng mga drug pusher, mga user natin,” ani Aquino.
“Sayang naman yung pinasimulan natin. Ang laki na ng accomplishments natin, bakit ngayon pa ihihinto?” dagdag pa nito.