-- Advertisements --

Naniniwala ang isang mambabatas na ang nakuhang mataas na trust rating ni House Speaker Martin Romualdez ay patunay umano na tama ang tinatahak na landas ng House of Representatives sa pagganap nito sa mandato at pagsisilbi sa sambayanang Pilipino.

Ayon kay Ako Bicol Rep. Elizaldy S. Co, chairman ng House Committee on Appropriations, ang dahan-dahang pag-akyat ng trust rating ni Speaker Romualdez ay dahil sa magandang pamumuno nito.

Sinabi ni Co na patuloy ang pagtitiwala ng publiko sa pamumuno ni Speaker Romualdez ibig sabihin nasa tamang landas ang tinatahak ng Kamara.

Batay sa resulta ng survey ng Octa Research na isinagawa mula Setyembre 30 hanggang Oktobre 4, tumaas ang trust rating ni Speaker Romualdez sa 60% mula sa 54% na naitala noong Hulyo 2023 o pagtaas na 6%.

Mas mataas din ito ng 22% kumpara sa 38% trust rating ni Speaker Romualdez noong 2022.

Ayon kay Co katatapos lamang aprubahan ng Kamara ang panukalang P5.768 trilyong national budget para sa 2024 pero hindi pa rin ito tumitigil sa pagtatrabaho at inaasikaso ang mga panukala na kailangan ng administrasyong Marcos upang mapaangat ang buhay ng mga Pilipino.

Sinabi ni Co, inatasan ni Speaker Romualdez ang mga komite na ipagpatuloy ang pagsasagawa ng mga pagdinig kahit na nakabakasyon ang sesyon ng Kongreso.

Ito ay upang matiyak na matatapos umano ng Kamara ang mga prayoridad na panukala ng administrasyong Marcos bago ang bakasyon ng Kongreso sa Disyembre.