CENTRAL MINDANAO-Isinusulong ngayon ng Department of Agrarian Reform (DAR) at lokal na pamahalaan ng Aleosan, Cotabato na mapataas ang kita ng mga magsasaka ng niyog sa bayan.
Ito ay sa pamamagitan ng pagpapatupad ng Linking Smallholder Farmers to Market with Microfinance (LinkSFarMM) project ng DAR.
Sa ilalim ng proyekto, inoorganisa ang mga magsasaka sa iba’t ibang cluster upang mabigyan sila ng oportunidad na makahanap ng potensyal na mamimili ng kanilang mga produkto.
Sa naganap na cluster leaders’ training kamakailan, binigyang-diin ni Carylmark Bajao, provincial LinkSFarMM project point person, na ang pagkakaroon ng cluster ay mainam para sa sama-sama at isahang pagbebenta ng mga produkto sa mataas na presyo.
Nabatid na ang bayan ng Aleosan ay mayroong humigit-kumulang 700 ektaryang niyugan at nasa higit 1,000 magniniyog ang pwedeng makinabang sa itataguyod na collective marketing.
Ayon kay Jimmy Basas, municipal agriculturist, una nang nakinabang sa proyekto ang mga cardava banana farmer ng munisipalidad at malaki ang naging epekto nito sa mga magsasaging.
Ito aniya ang naging dahilan upang ipatupad ang proyekto para naman sa mga magniniyog.
Nabatid na ang Aleosan ang unang lokal na pamahalaan sa North Cotabato na nagreplicate ng LinkSFarMM project matapos ang matagumpay na implementasyon ng collective marketing sa cardava banana na pinangasiwaan ng New Leon Multi-purpose Cooperative.